Sharing a Friend's Short Story

This is a short story base from my closest friend's experience. I decided to post it here so that fellow steemians who like to read short stories could have the chance to enjoy this piece as well. I hope you will enjoy reading.

I would like to tag @jassennessaj for this short story with the hope that you can appreciate this. I hope you won't mind. Thank you so much for your time.

Always,
@torania

Ang Beauty Queeng Walang Titulo

Sabi ni Mama, mahirap maging mahirap. Pero sheyts, mas mahirap maglakad sa runway nang tuwid ang mga beywang at humakbang na parang natinik ang mga talampakan. Hindi po ako model, hindi rin po ako artista. Sadyang biniyayaan lang ng likas na ganda. Pero naramdaman ko na ang maging center of attraction, ang maging star of the night, I mean…of the day.
Huminto ang sinakyan kong kulay-puting Mercedez-Benz E-Class sa tapat ng isang maliit ngunit konkretong bahay. Sinalubong ako ng mga hampaslupang namumugto ang mga mata. Anaki’y mga aliping tinatangisan ang isang butihing hari. Lumabas ako sa kotse at inilapat ang aking kulay-pulang stiletto, na kumikinang-kinang sa sikat ng araw (daig pa ang buong galaxy), sa maalikabok na landas papasok sa bahay. Sabay na nag-awangan ang bibig ng mga hampaslupa. Halos lumuwa na ang mga mata nang masilayan ang matingkad kong kulay-kamatis na gown (kamatis talaga?). Bahagya kong inangat ang laylayan upang hindi sumayad sa lupa. Perfect na perfect ang pag-contrast ng pula kong gown sa maputla kong balat. Sinalanta ang naghihingalo kong melanin sa sigwang hatid ng lingguhan kong pagpapaturok ng glutathione. Iginuhit na man ng mabagsik na sinag ng araw ang mahubog kong aninong larawan ng kaalindugan. Sa kabila ng maalinsangang panahon, pinaglaruan ng hangin ang maalon at maitim kong buhok. Nagmistula akong model ng shampoo. Bahagya kong ipinangsuklay ang mga daliring kama-manicure lang. Marahan akong tumunghay. Nag-ala-Ann Curtis ang hubog ng aking labi. Naglakad nang paekis-ekis sa maalikabok na landas. Tsunami walk kung baga. Pero mas type ko ang pilapil walk ni Venus Raj. Nag-i-infinity ang pag-imbay ng balakang ko at tila nagbubunyi na man sa hangin ang pilantik ng aking mga daliri.
Biglang nagpulasan ang mga hinayupak. Matamang pinaulanan ako ng tingin. Tanaw ko sa mga balintataw nila ang pagkamangha. Nagsilbi akong patunay na maaari ngang magkatawang-tao ang isang diwata (charot). Iginala ko sa paligid ang mga mata kong pinampungay ng mahahaba at malulukom kong pilik-mata. Nakapinta sa paningin ko ang ilang mga matatandang babaeng nakaitim na bistida. Bitbit ay mga rosaryong nangingitim na ang gilid ng mga beads. Siguro’y present sila sa bawat burol ng buong barangay. Ito malamang lihim ng humahaba nilang buhay at hindi pansit. Ang iba na mang mga batang naroon ay nakapaa lang. Pinamumugaran ang mga paa ng galunsod na mga dalikdik at alikabok. Subalit, isang ama ang humablot ng akong atensyon. Sa kabila ng mga matang mapagmasid, isang ama ang nakaupo lang sa isang sulok at mapayapang niyapos ang isang sanggol. Natauhan ako. Muntik ko nang makalimutan ang pakay ko.
Agad kong idinaong ang paningin ko sa kabaong na nasa tapat lang ng pintuan. Nakatitig sa larawang nakatindig sa ibabaw nito – isang lalaking nasa edad kwarenta lang na matamlay na nakangiti, bilugan ang mukha at may malagong buhok na pinayapa ng gel. Buong buhay ko’y isang malaking palaisipan ang hitsura niya, at ngayo’y unti-unti nang nabubuo ang pagkatao ko. Ngunit, tila may sariling buhay ang mga paa ko. Imagine, bigla ba na mang mag-catwalk palapit sa kabaong. Parang nasa binibining Pilipinas lang at rumarampa para sa production number. Huminto ako sa kabaong at nameywang nang nakalabas ang dibdib (hindi literal ha. Hahahaha). Humarap ako sa mga nang-uusisang hampaslupa.
“Good afternoon everyone, my name is Jade Michelle Fuentes. 19 years of age. Representing, ang legal na anak! I thank you.”
Umalingawngaw ang malulutong na palakpakan. Standing ovation din ang mga kaanak na kanina pa nakaupo sa katapat na sofa, habang abala sa pagnguya ng biskuwit. Ang mga hampaslupang nagbigay-landas kanina ay nagsiksikan na sa tapat ng pintuan. Ang iba’y nakikisilip sa mga nakabukas na jalousie. Daig pa ang boxing ni Pacquiao. To the highest level ang entertainment value. Nakaangat ang noong hinarap ko ang lahat. Ginaya ko ang strategy ni Pia Wurtzbach. Saglit akong nagpukol ng isang fierce look at saka nagpakawala ng isang malamyos na ngiti. Sa sandaling ito, binago ko na ang pose ko. Tinupi ko nang bahagya ang tuhod at mga balikat habang nakapameywang. Nagmistula akong si Lady Gaga. Ang tawag nito, sakit-sakitan-ng-tiyan pose. Lalong lumutong ang palakpakan ng lahat. May kasamang hiyaw pa.
Isang butuhang matandang babae ang nagkandakubang lumapit. Nakabugkos ang mahaba nitong buhok na sinakop na ng kaputian. Sa tantiya ko’y nasa otsenta anyo na si lola. Matamis itong ngumiti. Namintana ang nangingitim na ngiping one seat apart habang dala-dala ang isang babasaging fish bowl na may lamang papel.
“Please pick a name of the judge.” Garalgal na wika nito sabay abot ng bowl.
Dumukot ako ng isang kapirasong papel sa loob at ibinigay sa matanda. Inilapag na man nito sa sahig ang bowl at binasa ang laman ng papel.
“You’re judge is Mila, the home wrecker.” Marahang itinuro ng nangangatal nitong daliri ang kinauupuan ng isang babae. Ang babaeng kanina ko pa ayaw makita, ang babaeng gusto kong bigwasan at balatan nang buhay.
Si Ante Mila ang stepmom ko. (Oo. Kabit, kirida, mistress, number two, BURIKAAAAATTTTT!! To be exact.) In fairness, lamang siya ng sampung paligo sa nanay ko. Mukhang inalagaan talaga ni Faderland. May katabaan si Ante Mila. Maikli ang hanggang batok na buhok. Maamo ang mukha at mistisahin. Mamula-mula ang mga pisngi ng pisteng yawa na parang sinampal ng sampung demonyo. Kaya pala nadagit niya si Papa. Wala palang panama si Maderland.
Kanina ko pa gustong magtiim-bagang at magpakawala ng isang matalim na tingin. Ngunit kailangang maintain ang poise. Kailangan kong maangkin ang korona. Sa labang ito, kailangan kong manalo, para kay maderland.
Aba, bigla ba na mang nilukob ng katahimikan ang buong silid. Sabik marinig ang tanong. Tanging putak lang ng mga panabong na manok na nakatali sa bakuran ang namayani sa paligid. Idagdag pa ang pasalit-salit na pagdaan ng mga motorsiklo sa labas. Tutok ang lahat sa isasatinig ni Ante Mila. Nagsimula nang dumagayday ang mga pawis ko sa noo. ‘Buti na lang, waterproof ang makeup ko. Napalunok ako ng laway. Namamawis na rin ang mga palad ko. Paano kung napakahirap ng tanong niya? Paano kung tungkol ito sa Philippine economic status, o di kaya’y tungkol sa Philippine geography, o math at kung anek-anek pa? Diyos ko, eh Elementary Statistics nga sa MSU-IIT , muntik na akong masyutay, ito pa kaya? Kaya nga ako kumuha ng Bachelor of Arts in Filipino dahil gusto kong takasan ang isinumpang math na ‘yan eh. Pahamak ‘yan sa mga pangarap ko. Letse! Ginawang impyerno nito ang kabataan ko.
Heto na, nagsimula nang umawang ang labi ni istepaderland. Diyos ko, ang napraktis ko lang, what is the essence of being a woman? Girl, memorize ko yata ang sagot ni Sushmita Sen na nagpanalo sa kaniya sa Ms. Universe 1994. Ganito ‘yon. Mh…”Just being a woman is a God’s gift that all of us must appreciate. The origin of a child is a mother, and is a woman. She shows a man what sharing, caring, and loving is all about. That is the essence of being a woman.”
Tama si Sushmita, ngunit may kulang. Higit pa sa pag-aaruga ang kayang ibigay ng isang ina. Kaya niyang isakripisyo ang sarili, mabuhay at maprotektahan lang ang anak. Ito ang natutunan ko kay mama. Naging domestic helper siya sa ibang bansa para buhayin lang ako. Nag-alaga ng ibang anak upang mapakain ang sariling anak. Pinasan ang responsibilidad na iniwan ng tatay kong walang bayag, at dahil pa rin ito sa babaeng kaharap ko ngayon.
Agad akong napaangat ng kilay nang marinig ang tanong niya.
“Ok. Hir is yur kwistyun, wat is lab?”
Atay, kung maka-Ingles ang burikat parang natamaan ng kidlat. Tumuskig yata ang dila ng minatay. Kung maka-what is love na man. Ano ‘to, slumbook? Tapos tatanungin ako ng “who is your crush” at hihingan ng dedication? Tapos sasagot ako ng love is like a bublegum, kung mupikit (dumikit), makabuang (nakababaliw). Charot.
Tumikhim ako saglit. Gumanti rin ng tikhim ang animal at ngumiwi pa. Akala yata niya hindi ako prepared. Nagkamali ka girl. Memorize ko ang tulang Pag-ibig ni Jose Corazon de Jesus. Matuwid ko siyang tiningnan at walang bantulot na sumagot.
“Thank you for that wonderful question (medyo paarte pa ang Ingles ko na parang lahat ng sinabi ko, lumabas sa ilong). Ayon kay Jose Corazon de Jesus,
Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag;
Ang marunong umibig, bawat sugat ay bulaklak;
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw ng kabiyak;
O wala na kahit ano, o ibigay mo ang lahat!”
Laglag panga ang lahat. Parang minasaker ang lahat sa biglaang pagdanak ng dugo. Kani-kaniyang pahid sa dumudugong ilong.
Actually, ito talaga ang gustong ibulyaw, “Uulitin ko, ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di’ bulag. Kaya huwag mong gawing dahilan na binulag ka lang ng pag-ibig kaya mas pinili mong mangwasak ng tahanan, ng buhay!
“Ang marunong umibig, bawat sugat ay bulaklak. In short, gago ka! Alam mong mali, pinagpatuloy mo pa. Nasaktan ka na nga diba nang malaman mong may pamilya ang tatay ko, pinaglaban mo pa! Gaga.
“Ang pag-ibig ay masakin, at aayaw ng kabiyak. Kasi makasarili ka. Luha ng nanay ko at kinabukasan ko ang ipinampalit mo sa sarili niyong kaligayahan. Mga hayop kayo. Pakyu!”
Ngunit bago ko pa matapos ang sagot ko, napapitlag ako bigla nang isang botohang kamay ang marahang dumampi sa balikat ko. Muli kaming nagkasalubong ng tingin ng matandang babaeng malukot ang mukha. Nakasuot ng paldang hanggang binti. Sa kabila ng maalong guhit sa noo nito at humpak na mga pisngi, maaaninag ang matangos na ilong at hugis-pusong labi. Magkahalong pagluluksa at pagkagalak ang nakadungaw sa kaniyang nanlalabong gamonggong mga mata.
“Dong, ikaw na ba si Jed, ang apo ko?”
Ikinulong ng kaniyang mga daliri ang mga pisngi ko. Nasaksihan ko ang mumunting luhang bumatis sa nalalanta nitong pisngi. Malamang ay kanina pa nilandas ng mapapait na luha ang pisngi kaya hinayaan na lang niyang dumulas ang mga ito hanggang leeg. Wala na ang fish bowl na hawak niya, wala na rin ang matamis na ngiti. Wala na sigurong hihigit pa sa nadurog na puso ng tumatangis na ina sa pagkawala ng anak. Anak ang dapat magluksa sa kaniyang ina.
Hindi na ako nakapag-shield. Sinalo ng mukha ko ang mga tilamsik ng laway niya. Ikinulong niya ako bigla sa mga botohan niyang bisig.
“Ang laki mo na dong,” dagdag niya. Nagsimula nang bumasag ang kanina’y paos na tinig.
Bigla akong sinampal ng realidad. Hindi lang sinampal, sinabunutan at kinalmot pa. Parang lintik na hinatid ang diwa ko sa mapait na katotohanan. Si lola kasi, kung maka-dong, wagas. Panira ng trip.
Tulad ng sinabi ko, hindi ako model. Hindi rin ako artista. And unfortunately, hindi rin ako biniyayaan ng likas na ganda (nakatulog kasi ako nang magpaulan ng kagandahan ang Diyos). Mas lalo na mang wala akong mammary gland, yotots, talib, at bahay-bata.
Oo, toyabs na kung tuyabs. Hindi ako transgender ha. Hindi rin ako pamintang buo ni durog, o maya-maya (“kaon mais” sabi nga). Bakla lang talaga. ‘Yong tipong baklang walang choice kundi maging bakla sa isip, sa salita, at sa gawa (charot). Hindi rin ako bakla na parang alien kung magsalita. Gayon din, hindi rin ako baklang nagsusuot ng damit pambabaeng parang ninakaw lang sa tabuan. Isa lang akong baklang introvert. Baklang may sariling mundo. Baklang day dreamer. Baklang napagitnaan o na-trap sa pagitan ng kulturang popular ni Adan at ng pamantayang gawi ng isang isteryotipong pangkasarian ni Eba. Tumatalsik ang wetpu habang suot ang isang polo shirt at men’s jeans. Mahinhin (daw) kahit mukhang tigre.
In fact, kapag sumasakay ako ng bus o jeep, deadma lang ang mga pasahero. Pero kapag gusto ko nang bumaba sabay sabing “lugar lang kuya” (with pinakulot na tinig), aba naglilingunan lahat. Tinatapunan ako ng mapanukat na tinging nagsasabing “ay bayot pala”. Kaya kapag sumasakay ako, naging bespren ko na ang mga barya – mapasingko man, piso o diyes. Kasi kapag bumababa ako, ipinangtanginting ko na lang ang barya sa metal na hawakan ng bus o jeep para makaiwas sa matatalim na tingin. Ewan ko ba, melenyal na pero may mga tao pa ring ipinaglihi sa dark ages.
And that’s my point, ladies and gentlemen. Ayo’ kong sabihin ng mga tao sa paligid ko na hindi ako pinalaki nang maayos ni Maderland. Kaya I made the worst decision ever! Rewind muna tayo. Totoo na ‘to. Pramis.
Huminto ang sinakyan kong habal-habal sa tapat ng isang maliit ngunit konkretong bahay. Buhaghag ang maikli kong buhok na parang nakuryente dahil sa humaharorot na pagpapatakbo ng drayber. Najejebs yata. Sabik na ring ibabad sa tubig ang mukha ko dahil halos kalahating araw kong sinalo ang alikabok mula Iligan City hanggang Agusan del Sur. Diyos ko, kung naging basakan lang ‘tong mukha ko, puwede nang pagtamnan ng palay. Tiyempo na mang tumangis ang nagkulay-abong langit. Wari nakikisimpatiya sa kasawiang sinapit ng ganda ko (charot). I mean, ni Faderland.
Agad akong napasilong sa trapal na nasa labas lang ng bahay. Sinalubong ako ng mga matang nang-uusisa. Kagyat na hininto ang paglalaro ng madyong at tong-it. Sari-saring mga mata. May namilog, naningkit, namugto, nagbunyi (dahil nanalo sa sugal) at deadma lang.
Isang babaeng nasa kwarenta anyos ang bumungad sa akin. Siya ang kaisa-isang kapatid na babae ng tatay ko. Di ko na maalala ang pangalan niya. Di ko na nga rin maalala ang mukha. Basta nakita ko lang siya dati sa picture ni Maderland noong virgin ba siya 3,000 years ago. Naungkat ko lang sa mahiwagang baul ni lola.
“Kumain ka na ba?” nakangiti niyang chika sabay abot sa dala kong backpack. Siya ang misterysong caller na nag-inform sa akin na natsugi na si Faderland dahil sa aksidente sa motor. Nakasakay raw kasi si Faderland sa habal-habal mula sa pangungulekta sa mga kinitang bunga ng illegal logging. Sabi nila, naengkanto raw o nausog. Sinundan daw yata ng galit na maligno kaya naaksidente. Sumalpok sa isang malaking trak. Basag ang likurang bungo.
Pero kung may hayop na maligno man sa sandaling iyon, malamang ang drayber ng trak. Pinagkaitan niya ako ng pagkakataong makilala ang tatay ko, ang ipamukha kay Faderland na nagawa naming mabuhay ni mama nang wala siya, na hindi namin siya kailangan.
Ang masaklap pa, iniwan siya ng drayber ng motor na nag-aagaw-buhay. Tinangay ang dalang pera. Ang bilis din na man ng gaba. Pero sa totoo lang, hindi ko alam kung sino ang totoong nagabaan. Si papa ba o ako? Ako, na hanggang ngayon ay isang palaisipan na lang ang pakiramdam na makausap nang harap-harapan ang isang ama. Ano kaya ang maging reakasyon ko kung humingi siya ng tawad? Yayakapin ko ba siya? Magwo-walk out na parang bida sa isang Korean drama, o maghehesterikal na parang bida sa Mexican telenobela? Paano kung hindi siya hihingi ng tawad? Mga tanong na babaunin ko na lang hanggang sa kabilang buhay. Sa impyerno na lang siguro kami magtutoos. Charot.
Inakbayan ako ng ante ko. Muli akong tumikhim. Hindi ako natinik ha, di rin masakit ang lalamunan ko. Pinilit kong palalimin na parang nasa kuweba ang tinig ko, “busog pa po ako.” Pinakawalan ko ang isang tinig na tila hinukay mula sa kailamang bahagi ng mundo. Sheyts. Paano nagawa ‘yon? Paano ko nagawang patuwirin ang nagkabuhol-buhol kong boses? Baka nagtunog lasing ako. Ang masaklap pa, pinilit kong pigilan ang paggewang ng balakang ko. Itinuwid ko nang matigas ang mga daliri ko upang pigilan ang pagpilantik. Naglakad na parang natinik ng bubog. In short, nagmukha akong robot. Dzai, masakit pala sa balakang ang maglakad nang hindi umiimbay ang beywang.
At iyon na nga, halos lumugwa na ang mga mata ng lahat nang masilayan ako sa malapitan. Siguro ngayon lang sila nakakita ng alien na hindi marunong maglakad. Charot. Pero iba, iba ang mga tingin nila. Tingin ng pagkamangha. Alam mo ‘yong feeling na sumakay ka ng bus at na-realize mong naiwan mo ‘yong pitaka sa bahay. Wala kang choice kundi halughugin ang kaibuturang bahagi ng bulsa mo at umaasang naging mabait ang langit. Tapos, pak! May naiwan ka palang isang daan sa secret pocket mo. Tumpak. Ganern ang nakita ko sa mga mata nila. Pakiramdam ko tuloy ako si Ann Curtis. Naglalakad sa red carpet habang hinihiyawan ng mga nagkakarandapang fans at aligagang paparazzi. Hindi. Parang ako si Sarah, ang munting prinsesa. Charot. Si Cedie kaya, ang nawawalang prinsipe. Barangay captain kasi si Faderland sa isang liblib na sitio sa Agusan del Sur. Sa bundok, ang posisyon ni Faderland ay kawangis ng isang president. Kaya instant celebrity ako pagdating sa Malacaῆang, este, sa baryo.
Napako ang tingin ko sa malapad na kahong nasa tapat ng pintuan. Nakatayo sa ibabaw ang isang picture frame.
“Si tatay po ba ito?”
Tumugon lang ng isang mapanglaw na ngiti si Ante. (malamang ibinulyaw niya sa isipan ang, “hindi, lolo mo. Trip lang naming ilagay siya sa ataol habang natutulog. For a change.” Charot.). Ang matamis niyang ngiti ay kabalintunaan sa isinaad ng namamaga niyang mata.
Marahan kong dinungaw ang salamin ng kabaong. Excited na ako sa magiging reaction ko. Kaninong danguyngoy kaya ang gagayahin ko? Kay Nora Aunor na tahimik na parang asong nasagasaan o kay Ate V na naghe-hysterical? Ngunit hindi pala totoo ang nakasaad sa TV. Nakatunganga lang ako. Malinaw na kung bakit hindi maalis-alis sa akin ang tingin ng lahat. Ang bilugan kong mukha, ang mga matang kuwago at ngusong animo’y tinuka ng manok na tila isang batong nakausli ay sinalamin ko sa kaniya. Tila nakatitig ako sa sarili kong kamatayan.
Kaya siguro araw-araw akong pinaulanan ng sermon ni Maderland dahil ako ang aftermath ng pananalanta ng tatay ko sa buhay niya. Maging ang aking may kalaparang balikat at kulay-lupang balat ay replika rin sa kaniya.
Ngunit hindi ito ang nagpatigagal sa akin. Kundi ang pakiramdam na ni minsan ay hindi dumapo sa aking ulirat. Ang pakiramdam na walang pakiramdam. Oo. Wala, as in blanko. Ewan. Abnormal ba ako o ito talaga ang normal? Ambot. Alam kong dapat ngumawa ako nang ngumawa. Lumanguyngoy sa sahig. Magwala. Tumingala sa langit at mag-aate guy na umiyak. Itatanong sa Diyos kung bakit pinagkaitan niya ako ng pagkakataong magkaroon ng ama. Chos. Tapos ididipa ko ang mga braso. Pero wala eh. Wari nakatitig lang ako sa isang estranghero. Sa isang bangkay. Di ko nga maatim na lumunok ng laway eh.
Naisip ko, hindi pala lahat ng inakala nating katotohanan ay realidad. Hindi pala totoo ang luksong dugo na napapanood ko sa TV. (O malamang, ako lang siguro ang hindi totoo sa mundong ito.) Doon ko napatunayang ang pagiging isang ama, ina at kapatid ay wala sa dugo. Nasa puso. Puso ang siyang kumikilala. Puso ang siyang tumitimbang. Maaaring ang nagbigay sa akin ng buhay ay ang pagniigan ng punlay ni papa at ng sinapupunan ni mama, ngunit nagsisimula ang buhay sa bisig ng taong tunay na nagmamahal sa iyo. Kahit sino ay maaari nating maging tunay na magulang, at kahit sinong mga magulang ay maaaring maging estranghero lang.
At iyon na nga. Lumapit sa akin si Grandmaderland at pinakilala ako sa lahat ng kasapi ng angkan. Hindi ko na nga matandaan ang mga hitsura’t pangalan. Eh, kahit isang scientific name nga lang ng halaman di makabisado, buong barangay pa kaya.
Saka ko lang napansing mukhang masarap na man yata ang buhay ng tatay ko. Katatapos lang ng isang palapag na maliit nilang bahay. Konkreto pa ha. At huwag ka, my tiles madam. At ang mga minatay, may pa-chandelier-chandelier pa sa sala. Marmol pa ang mga mesa’t upuan ha. Kaloka. Sa labas ng bintana, natanaw ko ang dalawang palapag na gawa sa kahoy. Iyon daw ang luma nilang bahay. Naroon ang maliit nilang tindahan. Malaki na iyon para sa isang nayong napag-iwanan sa 15th century.
Syempre, hindi kompleto ang drama kapag wala ang kontrabida sa buhay ng isang matinong pamilya – ang home wrecker, kirida, mang-aagaw, namber tu, KABIT (na-describe ko na ang hinayupak. Ayo’ ko nang ulitin). Ngunit tulad nga ng sinabi ko, hindi totoo ang mga napapanood sa TV. Nilalason lang ng mga teledrama ang isipan natin. Inasahan kong tataasan ako ng kilay, iirapan, ngingiwian at magwawagwag ng pamaypay nang nakataas ang noo. Ngunit kabalintunaan pala. Mayumi siya. Maamo ang mukha. Alam kong hindi siya komportable sa sitwasyon. Nang-agaw siya. Kaharap niya ang legal na anak na pinasan ang krus dahil sa pinarupok niyang haligi ng tahanan. Subalit, malugod niya akong tinanggap. Mukhang ako pa nga ang hindi komportable. Pinagluto niya ako ng menudo, adobo, at letseng kabit, I mean, letsong kalabaw. Yazzz, tama ang nabasa niyo, letsong kalabaw. Isipin niyo, minorder nila ang kalabaw nila, just for me? Ako na. Ako na talaga. Ang haba ng hair. Natapakan mo day. Aakalain niyong pista ang pinuntahan ko at hindi lamay. Laysho. Kinabahan nga akong baka may lason. Charot. Pinaghanda niya rin ako ng mga pinggan, pinagtimpla ng juice at kung anek-anek pang ginagawa ng isang ina sa kaniyang anak. In fairness, bumawi si madam.
Gusto kong magpatangay sa kaniyang underacting na mala-Jaclyn Jose. Mukhang realistic ang minatay. Isang taon yatang nag-workshop. Pang-Famas. Ngunit sa tuwing natitingala ko ang babasaging chandelier ng bahay na lalong nagpatingkad sa mapanglaw na kulay-araw na liwanag ng bombilya, at ang maya-mayang pagdapo ng mga mata ko sa gintong alahas na lumilingkis sa leeg, braso’t mga daliri ni Ante Mila ay lalong kinukusot ang puso ko. Mga kamay at leeg sana ni mama ang nagbubunyi sa ningning ng alahas na ‘yon. Kami dapat ang nakikinabang sa bahay na iyon. Kung gaano karangya ang naging buhay nila, kabalintunaan ang sa amin.
Nakatira lang kami sa lumang bahay ng lola ko na yari sa kahoy at nipa. Elevated. May silong. Sa marupok na haligi, isang kembot na lang ay mabubuwal na ito. Sa nagkakade-kadenang kabahayan, ang bahay na lang namin ang napag-iwanan ng panahon. Nang minsang tingnan ko google earth ang aerial view ng purok naming, Diyos ko, nagmistulang kalawang at alikabok ang bahay namin na nagpapadungis sa nakasalansang konkretong kabahayan. Kaloka. Antigo raw kasi ang bahay, ayaw ipabago. May sentimental value raw. Doon na lumaki ang lola ko at ang labing-isang kapatid niya. Doon din siya tinutukan ng baril ng lolo ko para kidnapin, este, itanan (may pagkamaharot din kasi si lola. Mana sa’kin. Charot). Kaya ayon, nakikipagtinikling kami sa mga tagas mula sa butas-butas na nipa kapag umuulan. Kapag dumadalaw ang mga kaklase ko, parang mga astronaut kung maglakad sa loob. Aakalain mong nasa buwan. Ang bawat paghakbang kasi ay tila nagbabadya ng karima-rimarim na trahedya mula sa ingit na nililikha ng sahig, na one false move lang, pupulutin ka sa silong. Wasak ang bungo. Charot lang. Kaya hindi bahay ang tingin ko sa bahay ni Faderland, kundi larawan ng buhay na pinagkait sa amin.
At ngayon, kung may Istepmaderland, mawawala ba sa eksena si Hapbraderland? Si Junmil ang kaisa-isang anak nina papa. Pinagsama ang pangalang Mila at Jun (na palayaw ni papa) – kaya naging Junmil. Mas matanda ako sa kaniya ng dalawang taon (not sure). Kung naging bida pa kami sa isang teleserye, at nagkataong nagkatagpo ang aming mga landas sa isang hindi inaasahang pagkakataon, malamang unang tingin pa lang, naibunyag nang kapatid ko siya. Diyos ko, sa mukha pa lang, para lang kaming pinagbiyak na durian. Nakuha niya rin ang nakaumbok na mata ni papa na wari sinuntok ni Pacquiao at mga labing anaki’y tinuka ng manok. Mas malaki nga lang nang doble ang katawan niya sa katawan ko. Kung mukha akong napag-iwanan sa kusina, siya na man, nakatira sa kusina. Diyos ko, pati siguro mga plato’t kutsara, kinain na nito. Ang kaibahan lang naming, namana niya ang kaputian ng kaniyang ina. Ang tapang nga talaga ng dugo ng tatay ko. Kaso, parang mukha at itlog lang ang nakuha ko, hindi ang dugo. Charot.
Kinagabihan, sa sobrang pagod ko, gusto ko nang humilata sa banig. Ang humilik. Magpalunod sa antok. Ngunit hindi ko inasahang magiging mahaba ang gabi. Pagkatapos maghapunan, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap nang masinsinan si Ante Mila sa sala. Sa kasagsagan ng pag-uusap naming, hindi ko napansing naging komportable ako sa kaniya. Hindi ko na rin tinitingnan ang suot niyang alahas. Nawaglit na rin sa sipan ko ang tungkol sa chandelier. Naging madulas ang daloy ng aming pag-uusap. Sunod-sunod na rin ang madalas niyang pagngiti, pagtawa, paghagikhik.
Ngunit, alam kong may iniiwasan siyang paksa. Ang paksang gusto kong pag-usapan naming – ang pagwasak niya sa tahanan naming. Gusto kong ibulyaw sa kaniya kung gaano kahirap nang walang ama. Gusto kong itanong sa kaniya kung paano siya nahihimbing sa gabi nang hindi binabangungot sa kalapastanganang ginawa niya, kung makit may mga babaeng katulad niya na handing lunukin ang sariling dangal para sa sariling kaligayahan.
Saglit na nakisawsaw ang katahimikan. Kapuwa may gusting bigyang-tinig ang isa’t isa. Ngunit ang diwa ay kapuwa nakikiindayog sa aliw-iw ng katahimikan. Niligpit na ni Ante Mila ang kaniyang mga ngiti. Nangungusap ang kaniyang mga mata. Malamang, nahihinuha na niya ang kanina pa tumatakbo sa isip ko. At sa wakas at binasag niya ang katahimikan.
“Sus dong, sana katuad mo rin si Junmil. Matalino. Anong taon ka na sa kolehiyo?”
Tumunghay ako. Matuwid siyang tiningnan nang may pagmamalaki at muling nabuhay ang aking mga pisngi. “Third year college na po ante.”
Tumango-tango siya. Alam kong totoo ang ngiti niya. Ngiti ng isang ina. Ngiting madalas kong nasisilayan kay mama tuwing binabalita ko sa kaniyang dean’s lister ako.
“Maayo dong. Sa lahat ng mga apo ng lolo’t lola m, ikaw pa lang jud ang kauna-unahang makakagradweyt ng kolehiyo. Lahat kasi, magsasaka lang.”
Sumingit na naman si katahimikan. Tila kapuwa hinahagilap naming sa masigasig na simoy ng hangin ang susunod na sasabihin. Tanging mga kuliglig ang namayani. Idinapo ko ang tingin sa kabaong ni papa. Paano kaya kung nakikinig siya sa amin? Ano kayang sasabihin niya?
Nagpatuloy si Ante Mila. Sa pagkakataong ito, nabuhay ang loob ko.
“Proud baya kayo si papa mo. Balak nga niyang puntahan ka sa graduation day mo. Isurprays ba.”
Di ako nakapagsalita sa narinig. Nagbabanta na ang mga mata ko sa pag-aaklas ng masasaganang luha. Ngunit pinilit kong ikubli. Nagpakawala ako ng isang mapanglaw na ngiti. Sapat na. Ito ang kanina ko pa gustong marinig. Gustong itanong. Kung naalala pa ba niya ako kahit sa kahuli-hulihang sandali ng kaniya hininga, kung naisip ba niya kahit saglit na may isa pa siyang anak na iniwan?
Nagpatuloy si Ante Mila, “si Junmil nga, kahit anong pagpapaaral ang gawin naming, hirap pa ring pumasa. Aba, nung high school nga, binayaran ni Papa mo ang principal para lang makagradweyt ba.”
Lumunok ako ng laway. Pilit nilawakan ang hilaw kong ngiti.
“Pinangga pala talaga ni Papa si Junmil ante no?”
Muling sumigla ang mukha ni Ante Mila habang nakadako ang mga mata sa kabaong ni papa.
“Sus dong. Sobra. Sumobra pa nga. Akalain mong nag-away kami minsan dahil nalaman ko na lang ba na pinasali niya sa fraternity. Namaga talaga ang lubot ng bata.”
Napapiksi ako sa narinig at muling nabuhay ang gabi. Humagalpak kami sa katatawa. Subalit hindi nakangiti ang mga mata niya. Nakapako pa rin sa kabaong ni papa. Tanaw ko sa kaniyang balintataw ang pangungulila ng isang asawa. Muling sumeryoso ang kaniyang mukha. Sa sandaling ito, tumugon ang kilos ng kaniyang mga mata sa nakapinid na labi. Tila may kung anong lakas na hinugot mula sa kasulok-sulukan ng kaniyang puso upang ihanda ang sarili sa sasabihin. Nagsimula nang bumakod ang luha sa kaniyang paningin.
“Alam mo na dong na may isa ka pa sanang kapatid? Mag-iisang buwan pa lang no’n ang bata sa tiyan ko. Pero kasabay no’n dong, natuklasan kong may iba pa pala siyang babae. Mga babae. Ang masaklap pa dong, halos kaedad mo lang. Nagalit talaga ako ba at…”
Biglang bumahag ang kaniyang dila. Humugot na naman ng lakas ng loob para dugtungan ang sasabihin. Nagmistula akong isang kompesor. Nakikinig sa isang taong gustong hugasan ang sarili mula sa dungis ng pagkakasala upang lumaya. Malamang ay matagal nang nakabaon ang lihim na ito sa kaniyang puso. Isang matulis na bakal na habang tumatagal ay pinagharian ng kalawang. Lumikha ng impeksyon sa kaniyang damdamin. Namaga. Nagkanana. Bumatis ang mikrobyo hanggang sa kasulok-sulukan ng kaniyang kaugatan. Pinalugmok ang kaniyang diwa. Sinalanta maging ang kaniyang kaluluwa. Dignidad. Pagkatao. Isang karamdamang tanging katapatan ang siyang lunas.
“Hinamon ko siya dong,” numipis ang kaniyang tinig. Pigil ang damdamin. Halatang pilit niyang inantala ang pagdagayday ng kaniyang mga luha. “Tinanong ko siya dong kung ano’ng pipiliin niya, ang pambabae o ang … buhay ng magiging anak namin?” Tuluyan nang bumasag ang nangangatal niyang tinig. Ipinanghilamos niya ang palad sa namamasa niyang mukha. Sunod-sunod na ang pagsinok at pagyugyog ng kaniyang mga balikat.
Nagimbal ako sa narinig. Hindi na kailangang dugtungan pa niya ang sasabihin. Sapat na sa akin ang kaniyang pagtangis upang mahinuha kung ano ang nangyari. Kung sino ang pinili ni papa. Ayo’ ko na ring marinig.
Sa kabila ng nangangatal niyang tinig na inantala ng pabugso-bugso niyang paghikbi, nagawa niyang habiin ang mga salitang ni minsan ay hindi ko narinig kay mama.
“Ka-kahit ganon siya dong. Pinangga ko pa rin si papa mo.”
Ngayon ko lang ganap na naintindihan ang tulang pag-ibig ni Jose Corazon de Jesus;
“Kapag ikaw’y umurong sa sakuna’t sa panganib
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig:
‘Pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.”
Kung naging beauty contest man ang gabing iyon, walang niisang nanalo sa amin. Lahat kami ay biktima – ako, si mama, si Ante Mila, at maging si Junmil. Mga beauty queeng pinagkaitan ni papa ng karapatang isuot ang korona. Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon, kasabay ng paghari ng buwan sa lumalalim na kadena ng gabi, ipinutong ko kay ante Mila ang koronang karapat-dapat niyang isuot. Dahil sa gabing iyon, tiningnan ko siya bilang isang babae, ina, ASAWA.

Image Source:
https://www.google.com/search?q=beauty+queen+without+a+crown&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwj19LLz-vLcAhWWTn0KHTfFAeIQ_AUICigB&biw=1536&bih=759&dpr=1.25#imgrc=CBsLxLdWmkIvyM:

#wordchallenge
#steemph
#cebu
#philippines
#shortstory
#crown
#beautyqueen

H2
H3
H4
3 columns
2 columns
1 column
27 Comments